Mapangahas at matinik kung makapagsulat si Edgardo M. Reyes. Bakas sa paggamit ng wika sa loob ng kaniyang mga akda ang pagiging totoo at malapit sa sensibilidad ng lipunang Pilipino, na hindi lamang nakukulong sa kaniyang pahanon, kundi pati na rin hanggang sa ngayon.
photo courtesy to pamughaton.files.wordpress.com |
Ang takbo ng kuwento ay masasabing pinaghalawan ng karamihan sa mga teledrama ukol sa pag-ibig at pagsasahanap ng “maayos na buhay”, lalo pa’t kung ipapasok ang usapin ng kabilang sa lower class o ang mga manggagawa. Umiikot ang mundo ni Julio, bilang pangunahing tauhan, sa buhay ng halos walang-hanggang paghihirap sa bawat araw upang maiahon ang sarili sa bawat gabi ng pagtulog. Mula sa mga naging kaibigan sa pagiging trabahador sa mga construction projects, ang mga nabuong koneksyon kasama sina Atong, Pol, Imo, at iba pa, at ang mga pinagsamahan nila mula sa pakikikontsaba sa isang sikyo sa construction site para lamang may matulugan sila tuwing gabi, marami nang napagdaanan ang samahang ito. At siyempre, hindi mawawala ang isang imahen ng isang binibini, si Ligaya, lalo’t bilang isang elemento ng pag-ibig sa loob ng kwento. Ang paghahanap sa sinta ni Julio, at ang paghahadlang ni Mrs. Cruz/ “Ah-Tek”, na isang bugaw ng isang putahan, na, sa dulo ng kuwento, ay maipapakita ang abusadong kalagayan ni Ligaya sa ilalim ni Ah-Tek, at ang mala-heroic figure ni Julio sa pagtatangkang iligtas si Ligaya mula sa kaguluhang kinasasangkutan niya.
Sa pagbabasa ng nobelang ito ni Edgardo Reyes, isang maaring balakid sa mabilis at madulas na pag-uunawa sa kuwento, at sa kabilang banda, ay kalakasan na rin ng kuwento, ay ang paggamit ng wika. Kuhang-kuha ng may akda ang sensibilidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglalantad ng kanilang mga diyalogo. Naging mapangahas ang may akda sa pagsusulat sa mga linyang ito na, kung sa akademya, ay maituturing na mortal na kasalanan. Ang paggamit ng “me” kaysa “may”. “Kesa”, imbis na “kaysa”. At iba pa. Isa itong manipestasyon ng mabusising pagdedetalye, pagbubuo ng mga tauhan, at sa ganitong proseso, ay ang mabusising pagbubuo ng mundo ng kuwento. Hindi pineke, at swabe ang daloy.
Kung buo ang mundo, marapat na isipin ang kontekstwal na implikasyon nito. Isang malaki at maiging panimulan ng usaping ito ay ang pagsasakonteksto ng kuwento, ng mga tauhan, sa aspekto ng sosyo-ekonomikong lapit. Kita sa kuwento ang likas at hilaw, raw imagery ng mga araw-araw na karahasan na hinaharap ni Julio at kasamahan, upang sila’y patuloy na kumita. At mamuhay. Ang pamomroblema sa pagtatapos ng kontrata sa isang pinagtatrabahuan. Ang pagsasaproblema kung saan maaring matulog. At iba pa. Bilang isang mambabasa, kakaiba ang pakiramdam na nagbibigay ng “wonder” sensation ang mga ganitong sentimyento, lalo’t bilang isang Pilipino na kabilang sa lipunang ito. Na-“Alienate”, ika nga. Sa bawat pagbasa ng mga linya, ang literal na mga linya na naka-print sa loob ng libro, at ang buhay ni Julio, ako’y nabibigyan ng kakaibang damdamin ng pakikipagsimpatya sa mga piksyunal na tauhang ito. Ngunit, alam naman natin na ang piksyunal na mga karakter na ito, ay hindi nalalayo sa realidad ng buhay para sa mga manggagawang Pilipino.
Isa sa mga nagustuhan kong parte sa nobela ay ang bahagi kung saan patapos na ang mismong kuwento. Ang mga pangyayari na, nahanap na ni Julio si Ligaya, at ang pag-asang ibinigay ni Julio upang iligtas si Ligaya mula kay Ah-Tek. Sa totoo lang, ang kalungkutang nakapaloob na emosyon at kabigatan nito, lalo pa’t sa pagtatapos ng nobela, ay isa sa mga nagustuhan kong aspekto. Hindi lamang ipinakita ang depiksyon ng trahedya bilang masakit, at mala-“fight to the last breath” na eksena ni Julio sa dulo (na kumon na sa mga action scenes sa mga kapanahunan ngayon), kundi ang imahe ng pagkakaroon ng naudlat na pag-asa, sa panahong mas inaasahan mo ito. Bukod pa rito, ay ang naipakita nang buhay ni Julio, na lahat halos ng hirap para lamang mamuhay araw-araw at mailigtas si Ligaya, na sa dulo, ay magkakaroon ng mala-Romeo and Juliet na katapusan. *cue sad dramatic song here*
Bilang isang personal (at relatibong) pagtingin na rin sa maaring kakitaan ng simbolismo sa loob ng kuwento, ito na marahil ay ang pangalang Mrs.Cruz/Ah-Tek at si Ligaya Paraiso mismo. Siyempre, hindi naman yata kasurpre-surpresa ang mapatawan ng simbolismong pagpapahiwatig kay Ligaya, lalo’t ang pangalang taglay ay dalawang salitang pamilyar ang karamihang Pilipino…o pamilyar nga ba? Para sa akin, si Ligaya’y maaring sumimbolo bilang ang tinatawag sa Pilipinas na “Inang Bayan”, na, kagaya ng mismong tauhan, ay inaabuso at isang puta na naghihirap, at hinihintay lang iligtas ng isang Julio. *At sa pagbabasa na rin na ang mga nang-aabuso kay Ligaya ay mga tauhang Intsik, hmm, may maiuugnay kaya tayo sa ganitong pagsusuri, lalo’t base sa mga kaganapan sa panahon ngayon (2015)? Nako, baka clairvoyant pala si Edgardo Reyes.* Sa tauhan naman ni Mrs. Cruz, isang ironya na patungang dahil “Cruz” ang apelyido niya, ay krus na agad ang maaring ipatong. Patong. Ipatong. Ilang beses ko nang nabaggit. Hindi kaya’t dahil kagaya ni Hesukristo, na nagbuhat ng krus at pagkamatay doon bilang kabayaran sa ating mga kasalanan, ay ito’y sumisimbolo sa mismong pagpapahirap? Ang pagpapahirap ni Ah-Tek kay Ligaya? Sa Inang Bayan?
photo courtesy to giphy.net |
Swabe kung basahin. Kung makatama sa dibdib, ito’y isang matalas na patalim. Hindi na nakakapagtaka kung bakit tinaguriang isang klasiko ang akdang ito ni Edgardo M. Reyes. Bukod sa pagkakabuo ng isang mundo na malalim at malawak ang pinapaksang tema, ay ang kapasidad nito na maglahad pa ng mas malalim na pananaw sa buhay ng mga kapwa nating Pilipino na kabilang sa mga naghihirap na uri, o kahit sino mismong nakakaranas ng karahasan at pang-aabuso. Isa na marahil na nagustuhan ko sa pagsasalahad ng kuwento ay ang pagtatanggal ng nosyon ng pagiging romanticised ng daloy ng kwento. Na, pag mahirap, todo kayod hanggang buto’t balat. Todo iyak sa sulok. Todo monologue na tila ba’y nasa kaniya ang spotlight sa isang dula. Hindi. Ito’y ipinakita sa paraang ang paghihirap ay isang balakid sa mga nais mong makamit. Sa nais mong mailigtas. Sa nais mong mapalaya. At ang *mga* paghihirap na ito’y hindi mapagbigay, hindi maawain. Hindi ito nakukuha sa kung ano-anong justification o pakikipag-usap. Higit sa lahat, ito’y nanunuot sa sistema, lalo’t kung hinayaang lumaki. Kung kaya’t aksyon ang kailangan, maging ang dulo pa nito’y sa kamatayan. Kagaya nga ng ipinakita ni Edgardo Reyes sa kaniyang akdang ito, kung nais mo talagang magkaroon ng Ligaya sa buhay, ay ipaglaban at hanapin ang Paraiso.
photo courtesy to gifrific.com |