Wednesday, May 27, 2015

Trese

photo courtesy to forbiddenplanet.co.uk
Isang hapon noon, sa isang branch ng Fully Booked sa Katipunan, nang masulaypan ko ang isang libro na nakatawag ng aking atensyon. “Don’t judge a book by its cover” raw, pero alam naman nating isang statement lang yan na laging tumatangilik dun sa negatibong aspketo ng panghuhusga sa kung ano man. Bakit ba, as if naman hindi ko nabibigyang “papuri” yung mga may akda at gumawa ng disenyo/dibuho ng cover diba? Balik sa kwento ko. Nang mabasa ko ang katagang “Trese”, mas natawag pa ang aking pansin. Kaakibat ng monochromatic line-art na mala-anime na istilo ng pagguhit, ang aking interes sa akdang ito ay msa naipakita pa sa pagpunta sa cashier, at ang pagbili nito.

Bilang isang freelance graphic designer, na gumagalaw sa mundong mabilis lumipas ang mga bagay-bagay, mula sa deadlines, hanggang sa mga relasyon sa mga kapwa (#walangforever #hugot #bakitakogumagamitnghashtags), sinasabi sa iba’t ibang pag-aaral na mas umiikli na raw ang average attention span ng mga tao ngayon. Dala pa ng mga bagong teknolohiya na nagpapabilis ng mga gawain, at iba’t ibang social media platforms kagaya ng Twitter, at ang ever-famous nitong 140-character limit sa mga nais mong sabihin, sinasanay na ang mga tao na magkaroon ng kakaunting oras o maging mabilis ang mga gawain bunga ng mga limitasyon na siya rin namang dala ng modernisasyong ito (sa mga opisina, at iba pa.). Kagaya nga sa panitikan, umusbong at mas naging kilala ang pagsusulat ng mga dagli bilang pamamaraan ng paglalahad ng naratibo, na di maitatanggi ay hindi aabot sa limang minuto, karaniwan, ang pagbasa ng isang dagli, kumpara sa pagtatapos ng isang nobela, na kinakailangan ng maraming oras, isang bagay na mas mukhang pribiliheyo sa panahon ngayon.

Bilang pagtangkilik sa genre ng graphic novel, malamang, ang pinakaiba nito sa tradisyunal na nobela, ay ang presensya ng mga dibuho, kung saan mas nabibigyang espasyo ang manlilikha upang mabuo ang mundo at naratibo, gamit ng mas kakaunting salita, kaakibat ng mga larawan, na magsasabi na ng mga eksena para sa sarili nito. Siyempre pa, salik rin na ang karamihan raw sa mga tao, base sa pag-aaral, ay “visual learners”, o mas natututo base sa kung anong nakikita. Sa ganitong pamamaraan, hindi na “pinapahirapan” ang mambabasa para isipin kung ano bang istura ng eksena, ng tauhan, ng kaganapan sa loob ng naratibo, bagkus, ito’y nirerepresenta na ng mga dibuho kasama ang teksto.

Isang fresh at innovative na pagpapakilala sa pinapaksang proyekto ng Trese series na ito. Siyempre, hindi ko naman ibinabalewala ang mga mismong pre-colonial texts na tumatalakay sa mga mito’t folklore ng ating mga ninuno, pero ang pag-aangkop ng mga ganitong premis, sa konteksto ng maka-post modern na mundo, ay isang malaking selling point para sa mga mambabasa, o maski ang mga taong hindi naman puro ang interes sa pagbabasa, ngunit nais pa ring makapulot ng isang kwento o dalawa, sa mas madaling pamamaraan. 

Tinatalakay sa loob ng teksto ang mga engkwentro ni Alexandra Trese, isang babae na may angking abilidad na makipag-ugnayan at maging labanan ang mga iba’t ibang elemento na mula sa mga kwento ng ating lolo’t lola noong bata pa tayo (bilang panakot, lalo’t kung hindi ka pa natutulog ng maaga para sa pagpasok sa paaralan bukas. tsk.). Aswang. Manananggal. Kapre. Mga damong nabubuhay at nananakal ng mga tao (for real, walang biro), at iba pa. Kung susundan ang karaniwang takbo ng mga kwento, mala-Batman ang istilo ng naratibo (i-aassume ko na na nerdy ka rin kagaya ko, sa pagtangkilik sa Batman series. Kung hindi, nako, kawawa ka naman. Ew.): may mala-commissioner Gordon sa loob ng nobela, isang pulis na hinahire si Trese upang lutasin ang mga kasong labas sa karaniwan ang dahilan/paranormal. Ang susunod na mga eksena? Mala-Detetctive Conan naman. (Ewan ko nalang talaga kung hindi ka pa rin maka-relate dun.) Paghahanap ng mga clues, detalye, at mga salarin sa kung ano mang kaso ang mayroon. Higit sa lahat, ay pagdating sa huli, may usual na “punchline” ang isang kabanata, na paminsan, mala-moral lesson ang dating, at paminsan, para bang nanood ka ng isang 1960’s noir na pelikula (well, bukod sa pagiging black-and-white ang pagkakadisenyo ng mga akda, naiisip ko rin na ganiyan ang magiging itsura kung gagawin man itong pelikula. Pa-mysterious kasi eh.)

photo courtesy to fuckyeahdoncorleone.tumblr.com
Ay, nasabi ko ba na may isang mala-gang/mafia/yakuza war sa loob ng isang serye na nabasa ko (Last Seen After Midnight), ngunit imbis na aktwal na mga tao (o si Al Capone) ang mga tinutukoy, gang-war sa pagitan ng mga aswang at manananggal. *ASTIIIIIG* Ayun, yan lang naman ang mga tipikal na mga tinatalakay sa loob ng mga serye: yung mga nagpapakamatay sa dorms sa Katipunan Ave, si Manny Pacquiao na lumalaban sa mga demonyo, at iba pa. Nagiging maiging lunsaran ito hindi lamang ng pagtatalakay sa mga iba’t ibang usaping sosyo-kultural na paksa, kundi ang pagiging kaaliw-aliw na paglalahad ng mga *boring raw* alamat, kwento, mito, at ang kulturang Pinoy sa mundong maka-moderno. Higit sa lahat, ay ang pagiging malikhain ng mga may akda sa pagpapaliwanag ng mga kaganapang karaniwang inaassociate sa mga mito o kung ano-ano, sa kakaibang pamamaraan, kagaya na ang bangungot raw pala, ay isang nagmamahal na babae na niyayakap ang isang nagdurusang tao hanggang sa mamatay ito, at pag natikman ang luha ng babae, kasing tamis nga ng honey ang lasa, ngunit kasing pait naman ng kamatayan ang naidudulot. 

Teka, bago ka pa pumunta sa pinaka-malapit na bookstore para hanapin at bilihin ang isang serye ng Trese, nais ko lamang  magdagdag ng iilang punto ukol sa iba’t ibang pagtingin sa pagusbong ng ganitong genre. Unang-una, may ibang tao na kinukwestiyon ang pagiging maka-Filipino ng seryeng ito dahil sa paggamit ng wikang Ingles bilang pangunahing midyum ng paglalahad. Ikalawa, ay naka-sentro halos sa maka-Kanluraning sensibilidad ang mundong iniikutan ng mga tauhan, not to mention ang pananamit ni Trese (kudos kay KaJo para sa character design). Bilang personal na kasagutan sa mga ganitong problematisasyon, unang una, kinakikitaan ko ang paggamit ng Ingles sa mga seryeng ito bilang kalakasan. Kalakasan, sa punto na ito’y malakas ang kakayahang maging hit sa international scene. Isa pa, hindi ba’t isang mahalagang bahagi rin naman ng kulturang Pinoy ang ipinapakita ng proyektong ito? Hindi ba’t ang pagkaka-package naman nito sa isang midyum na mas maraming makakaappreciate ay isang maiging hakbang upang maipakilala ang ating kultura, lalo’t sa mga hindi pa pamilyar dito? Ikalawa, ang sinasabing modernong sensibilidad ay kalakasan rin para sa akin, sa rason na nagbibigay ito ng “familiarity” na pakiramdam sa mambabasa, at ang kasalukuyang mundo na kaniyang ginagalawan (assuming 2010s-present yan). At hindi rin biro ang pagtatagpo ng mga elementong ito sa konteksto ng kasalukuyang mundo. Siyempre, kasama na diyan ang mga pagsasaliksik, mismong pagguhit ng mga dibuho, at iba pa.

Talagang mai-rerekomenda ko ang Trese sa mga taong nais makabasa ng mga kwento, sa mas interaktibong pamamaraan (biswal), ang may hilig sa mga kwentong may kinalaman sa krimen, horror, suspense, ka-astigan, barilan, manananggal, Pacman, at kung ano ano pa. PS: Dapat may mala-Batmobile rin sa Trese, para mas astig.
photo courtesy to myfacewhen.net

No comments:

Post a Comment