Wednesday, May 27, 2015

Mga Ibong Mandaragit

Kung nanahap mo ang blog na ito sa pagtatype mo sa Google search ng “mga ibong mandaragit buod” para diyan sa papel mo sa Filipino IV, pasensya ka na. Hindi buod ang mababasa mo sa mga susunod na talatang aking isinulat. At no, hindi rin kita matutulungan sa pagtatranslate ng mga sinasabi mong malalalim na salitang Filipino para diyan sa takdang aralin mong iyan. 

photo courtesy to goodreads.com
Kilala sa iba’t ibang reputasyon ang pinakakilalang nobela ni Ka Amado. Para sa iba, ito’y ang pinakamagandang nobela sa panitikang Pilipino. Sa iba, ito’y isang mahabang kwento ng iisang tono ng social commentary sa kalagayan ng Pilipinas, lalo na noong matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Patuloy pa, para sa iba, ito’y isang lunsaran ng diskurso ukol sa iba’t ibang pulitikal, teoretikal, o sa kung ano pang lapit sa usapin ng realidad ng lipunan. At siguro para sa iba na rin, ito’y isang libro na binubuo ng mahigit 400+ na pahina, na kailangang gawan ng reaksyong papel bilang isang takdang aralin sa klase, hayskul man o sa kolehiyo. Sa aking pagbasa ng nobelang ito, hindi ko maitatanggi na may mga salik na naging hadlang sa aking pagtapos ng nobelang ito: ang usapin ng oras (bilang isang mag-aaral na may 21-units ngayong semestre), at ang pagkakaroon ng mala-language barrier, bunga ng pagkakaiba ng aking kinalakihang henerasyon, at ang wikang aking kinabihasaan. Pero ang mga ito ay hindi naging malaking balakid upang hindi magkaroon ng apresiyasyon sa nobela ni Ka Amado, at isang rason para rito ay ang interes ko, kahit sa isang sensibilidad na dekada ang layo sa akin, sa paksang tinatalakay sa loob ng nobela. 

May ibang tinitignan ang akda bilang isang sequel ng kilalang nobela ni Jose Rizal, ang El Filibusterismo. Bagamat ang kapanahunan ng mundo sa loob ng akda ni Ka Amado ay nasa panahon makatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, malaking elemento ang ginampanan ng pagpapakita sa kwento, na ang yaman ni Simoun na yaong itinapon sa dagat ni Padre Florentino, ay totoong nasa mundong ito. Ang sinasabing yaman ay maglalaro ng malaking papel sa mundo ng nobela, partikular, sa buhay at paglalakbay ni Mando, ang pangunahing tauhan. 

Sa pagbabasa ng nobela, isa marahil na mararamdaman ng mambabasa ay ang mala-pagtawag sa mga diskurso na tono ng may akda, sa kaniyang akda. Madalas, ang ganitong pakiramdam ng mambabasa ay hindi na bago sa larangan ng panitikan, lalo’t ito’y nagsisilbing midyum, o ang sabi nga, “bunganga” ng may akda upang may maiparating na ideya. Maari ring manipestasyon ito ng pagkakaroon ng attachment sa isang tauhan sa loob ng akda, o simpleng dahil istilo ito ng manunulat. Bilang pagpapatunay, nais kong gamitin si Dr. Sabio, ang tauhang intelekwal at malaki ang ginagampanang papel sa pagkaka-“alam” ni Mando at ang kasama nitong si Magat sa editoryal, sa mga kalagayang lipunan sa Pilipinas (praktikal at teoretikal). Kung titignan ang katauhan ni Dr. Sabio, base sa mga diyalogo nito sa mga iba’t ibang tauhan, ay tila ba may boses na nanghihimok sa mga ideals na ipinapakita nito. Halimbawa, ang pag-uusap nina Dr. Sabio, Mando, at mga kasama, ukol sa pinagkakaiba ng sosyalismo at komunismo, ay kakakitaan ng bahid ng pagiging “attached” ng may akda sa pagsulong ng nais niyang iparating sa mambabasa. Higit sa lahat, ang ganitong pagtingin ay magiging makabuluhan lamang kung may alam ang mambabasa sa background ng may akda, bukod sa pagiging manunulat: isang taong naging guerilla at may naging kinalaman sa mga Huks noong panahon ng pananakop ng mga Hapones, isang labor leader, at isang taong malalim ang pagkakaunawa sa ideals ng usaping sosyalismo at komunismo. Ang lahat ng mga ito ay nakaaapekto ng malaki sa isang kinalalabasan na teksto, na akda: ang pagkahubog ng isang manunulat base sa realidad ng kaniyang buhay, na siya ring naipipinta mula sa tunay na mundo, hanggang sa mundo ng akda (hal. Ang mga unang kabanata ng nobela, na tumatalakay sa mga operasyon sa mga kabundukan, ay malaki *siguro* ang halaw sa mismong karanasan ni Ka Amado noong kabahagi ng mga iba’t ibang operasyon sa Sierra Madre.).
photo courtesy to imgsoup.com

Isa sa mga hamon ng pagsusulat ng isang nobela ay ang responsibilidad ng may akda sa pagtatahi ng iba’t ibang naratibo ng mga tauhang inilikha, na nahahati sa iba’t ibang kabanata, upang makabuo ng isang grand narrative (Pero hindi ko pa rin dinidiscount ang katotoohanan na ito’y ay tradisyunal na pamamaraan ng pagsusulat ng isang nobela. Siyempre, mayroon nang post-modern movements, at iba pa.). Masasabi naman nating tradisyonal na pamamaraan ng pagsusulat ng naratibo (bukod sa pagiging lantad na sa wika, at ang impluwensiya ng mga likha ni Jose Rizal) ang isinagawa sa nobelang ito ni Ka Amado, ngunit kahit sa ganitong pagkakasulat, ay hindi maitatanggi ang pagkakaroon ng mga notable, makukulay na plot “twists” na kinakikitaan ko ng pattern sa mga iba’t ibang kwentong likha sa panahon ngayon, mula sa mga telenobela hanggang sa mga komiks. Isa na sa nais kong gawing halimbawa ay ang kabanata kung saan nagkatagpo sina Dolly at Mando, ngunit hindi bilang magkagalit at o base usapin ng hidwaan sa loob ng sosyo-ekonomikong usapin (na malamang ay makikisabat nanaman si Dr. Sabio sa pagsabi ko nito, sa pagpapasimula ng isang diskurso), kundi bilang mala-knight in shining armor na iniligtas ang damsel in distress, sa isang nightclub sa Paris. Bilang isang personal na pagtangkilik sa tandem na ito, nakakatawang basahin ang naratibong inilatag ni Ka Amado sa pag-iibigan nitong dalawa (sex scenes included). Mula sa mga dinner dates hanggang sa mga pag-uusap nila sa hotel room, aba, paminsan, kinausap ko pa nga ang mismong libro habang binabasa: “Ampuu si Andoy yan tange! Leche kang Dolly ka!”. Siyempre, nagmukha akong wirdo noong ginawa ko iyan, pano ba naman, noong sa isang coffee shop ko kasi ginawa, at oo, nagtinginan ang mga tao. Sorry na. 
photo courtesy to blahblaheffit.wordpress.com

photo courtesy to pinterest.com
Isang pioneering move para sa isang manunulat ng nobela sa panahon ni Ka Amado ang magsulat na ipinapakilala ang sarili bilang tagasunod sa mga yapak ni Jose Rizal. At sa genre ng fanfiction. Gayunpaman, nabigyang hustisya ni Ka Amado ang ganitong stance niya sa pagiging matagumpay ng inilikhang nobela sa ilang mga punto. Una, ay ang pagiging socially relevant ng mismong kuwento, na mas nabigyang lasa sa tulong ng paglalagay ng mga elemento’t naratibo na halaw mismo sa konteksto ng kapanahunang kinapapalooban ng manunulat (Post-WWII, congress representations, union strikes, at iba pa.), kahit pa’t nagmumula ang premis ng naratibo sa isang naratibo na ilang dekada na ang nakaraan (mula sa panahon ni Ka Amado). Ikalawa, kaakibat ng pagiging socially relevant ng akda ay ang tono ng panghihimok sa mambabasa, na may “call”, ang tawag sa pagbubukas ng isipan at diwa sa kalagayan ng lipunang Pilipino sa kolonyalismo na naidadala ng ating mga mananakop, at patuloy na namumuhay sa kapanahunan ngayon. Naging matagumpay, para sa akin, at para sa proyektong nais iparating ni Ka Amado, ang pagtatapos ng akda sa eksena ng pakikibaka, at ang pagiging open-ended nito. Para sa akin, ang ibig sabihin nito’y *ang tipikal na sigaw ng mga aktibista* “Tuloy ang laban!”, na ang nilalabanang sakit sa loob ng lipuna’y patuloy na namumuhay hanggang sa ngayon, at iyo’y alam ni Ka Amado. Sa huli, at sa totoo lang, bilang impluwensya na rin ng aking pagbabasa ng ilang mga akdang mula sa Kanluranin, kinakitaan ko ng pagkakahawig ang katauhan ni Mando Plaridel sa Jean Valjean ni Victor Hugo sa kaniyang Les Miserables (Mula sa pagiging “kriminal”/“rebelde”, hanggang sa pagkuha ng yaman, upang maitaguyod ang sarili at gamitin ito sa pagpapabuti ng lipunan, at higit sa lahat, ang rebolusyon.). Ika nga sa musical na pagpapalabas ng Les Miserables, “One more dawn, one more day, one day more!” 
photo courtesy to imgfave-herokuapp-com.global.ssl.fastly.net


No comments:

Post a Comment