photo courtesy to wikimedia.org |
Eros Atalia: Sa isang lektyur; retrato kuha ni Lawrence Plata |
Marahil, maalala ang kwento ng nobelang ito sa usapin ng pag-ibig. Sa pagiging sawi ni Intoy, na iniwanan ng walang rason, na iniwanan sa ere, mula sa loob ng isang relasyong laganap sa kapanahunan ngayon (aka fuck-buddies). Sa pagiging “liberated” ng dalawa, o sa partikular, ang pagiging liberated ng *big-time pogi* Karl Vladimir Lennon Villalobos, na lumaki sa isang pamilya na karaniwang mariringgan ng “Hallelujah hallelujah” sessions tuwing iniimbitahan ang pastor sa bahay. Sa hindi pagbasa ng buhok ni Jen tuwing naliligo sa motel matapos ang “sexy time” nila ni Intoy, dahil malalaman ng mga kamag-aaral kung ano ang maari nilang ginawa doon sa 2-hour break. Sa pagkakaroon ng “good time” ni Intoy sa mga “service providers” kagaya ni Joy sa bar, o nung puta na ayaw magpa-swallow matapos ang pagbibigay ng blowjob kay Intoy, dahil oo nga naman, “Boyfriend ba kita para gawin iyon?!”. O maari ring sa mga pag-uusap nina Intoy at Benson (na para bang isang mag-aaral sa UP na sabaw ang utak, o tuwing hellweeks) tungkol sa intergalactic space music, at kung paano tayo sasakupin ng mga aliens sa mga darating na araw.
Para sa akin, naging epektibo ang pagiging magaan at kwela ng pagdadala ng naratibo, upang maidala ang mas mabibigat na paksa na maaring pagmulan pa nga ng mga diskurso. Isang halimbawa, ay ang pagiging dinamiko ng mga relasyon sa panahon ngayon. Mayroong isang tauhan, na baguhan sa mga bagay na, basta, in short, virgin. Isang tauhan, na ang pagtingin sa kaniyang love interest bilang, ayun, love interest nga. Romantic, with strings attached. Sa kabilang dako, mayroon ring isang tauhan na ang pagtingin sa mga bagay ay nasa lebel ng pagiging superpisyal lamang. No strings attached. Foreplay, blowjob, o mismong homerun man iyan, sanay na. Di na kailangan ang pag-ibig, sexual gratification lang, sapat na. Nakakapukaw pansin rin ang pagiging taliwas sa mga karaniwang isteryotiping ibinabansag sa mga kasarian gamit sa mga nabanggit na mga katangian. Kapag lalake raw, pagiging macho at dagdag pogi points ang pagkakaroon ng fuckboy attitude. Kapag babae raw, dapat demure, madaling mahulog, at laging nailalagay ang katayuan sa lebel ng “umaasa” sa lakas ng lalaking kabiyak. Sa naratibong ito, malinaw at harapang ipinakita ang pagkakaroon ng gender role reversal sa mga iba’t ibang eksena. Inalok ni Intoy na siya dapat ang magbayad para sa date nila ni Jen, ngunit si Jen na ang nagbayad. Maging ang mga pag-eenjoy nila sa motel. Maging ang pagpapadeliver ng pagkain sa motel.
Kung nagkataon mang mapanuod ang film adaptation ng nobelang ito, maipapakita sa mismong mga unang eksena palang ang sineset na tono ng pelikula: isang witty, katatawanan, at kakaibang pagtingin sa realidad ng mga relasyon sa kapanahunan ngayon. Maski ang pagbasag nga sa isteryotipo tungkol kay Jen, bilang isang sex addict/nymphomaniac na dating. “Hindi siya ni-rape ng kaniyang tito, o anak ng single parent. Hindi, isa lang siyang tao na curious sa kaniyang pagkababae.” Diretso. Isa ring mas nabigyang kulay ng paggamit ng midya ng film ay ang pagpapakita ng mga eksena na nagrarant si Intoy ukol sa kaniyang mga propesor, at ang mga pag-uusap at talakayan sa klase. Ang pagiging moralistiko at relihiyoso ni Ma’am Ethics, ang pagiging madaldal ni Ma’am Lit. Clit-ay este, Lit. Crit, at iba pa. Importanteng mga bahagi ito, hindi bilang basta pagpapaangat ng makwelang tono sa mga kabanata, kundi ang pagpipinta ng mga eksena na ang mga tauhan ay mga totoong karakter sa totoong buhay. Na si Intoy ay parang ako lang, isang mag-aaral, na hinaharap ang bawat hamon sa aking pisikal, emosyonal, sikolohikal, ispiritwal at maging ang aking pasensya. Lahat ng mga ito’y humuhulma ng isang naratibo na nagpapakita ng representasyon ng pamumuhay ng mga kagaya ni Intoy sa totoong mundo.
Noong sinimulan kong basahin ang nobelang ito, naibaba ko lang ang libro noong nasa ika-limang kabanata na ako, at iyon ay dahil kailangan kong umihi. Bilang personal na panlasa, naging malaking salik sa pagkahumalig ko sa pagbabasa nito ay ang paggamit ng wika. Hindi rin mailalayo ang salik na relate-able para sa akin ang pagksang iniikutan ng naratibo. Higit sa lahat, malaking salik rin sa aking pagkahumalig ang pagiging mala-infomaniac ng may akda, na bawat eksena’y may overflow of information na aking sinasalo nang may halong pagkatuwa. Kung ika’y nagbabasa ng iilang nobela mula sa Western literature, at nagkataong nakabasa ka ng mga likha ni John Green, maaring masabi na ang sinasabi kong tono ng pagkakaroon ng “information rants” ay magiging pamilyar. Sa totoo lang, ang boses ni Intoy bilang narrator sa loob ng kwento ay kinakikitaan ko nang boses ng may akda mismo, lalo’t personal ko nang nakausap at narinig mula sa isang lektyur ang may akda. Ang nobelang ito, o masking anong nobela nga naman, ay patunay na ang sensibilidad at kapanahunang kinabibilangan ng may akda ay nagiging sentral sa pagbubuo ng tono ng naratibo. Paminsan nga, nagiging malaking lunsaran pa ang sariling karanasan upang magkaroon ang mga ito ng manipestasyon sa loob ng mga isinusulat na kwento. Ang wika, humor, at pagiging witty ni Eros Atalia ay ang mga katangiang nagiging sentral sa pagkakabuo ng nobelang ito, at higit sa lahat, naging tulay upang lumikha ng isang kwentong, kung hindi man naging ganap na representasyon ng buhay, at least bilang isang kwentong sigurado akong marami sa aking mga kapwa kabataan ang makaka-relate.
No comments:
Post a Comment