Wednesday, May 27, 2015

Sa Mga Kuko ng Liwanag

Mapangahas at matinik kung makapagsulat si Edgardo M. Reyes. Bakas sa paggamit ng wika sa loob ng kaniyang mga akda ang pagiging totoo at malapit sa sensibilidad ng lipunang Pilipino, na hindi lamang nakukulong sa kaniyang pahanon, kundi pati na rin hanggang sa ngayon.

photo courtesy to pamughaton.files.wordpress.com
“Sa Mga Kuko ng Liwanag”. Paminsan, yung nobela. Paminsan, yung pelikulang kasama si Hilda Koronel. Sa loob ng akda, ay ang isang kwento ng manggagawa. Si Julio. At ang pangarap ng tagumpay sa Maynila. O ang paghahanap kay Ligaya Paraiso, ang iniibig, sa Maynila. 

Ang takbo ng kuwento ay masasabing pinaghalawan ng karamihan sa mga teledrama ukol sa pag-ibig at pagsasahanap ng “maayos na buhay”, lalo pa’t kung ipapasok ang usapin ng kabilang sa lower class o ang mga manggagawa. Umiikot ang mundo ni Julio, bilang pangunahing tauhan, sa buhay ng halos walang-hanggang paghihirap sa bawat araw upang maiahon ang sarili sa bawat gabi ng pagtulog. Mula sa mga naging kaibigan sa pagiging trabahador sa mga construction projects, ang mga nabuong koneksyon kasama sina Atong, Pol, Imo, at iba pa, at ang mga pinagsamahan nila mula sa pakikikontsaba sa isang sikyo sa construction site para lamang may matulugan sila tuwing gabi, marami nang napagdaanan ang samahang ito. At siyempre, hindi mawawala ang isang imahen ng isang binibini, si Ligaya, lalo’t bilang isang elemento ng pag-ibig sa loob ng kwento. Ang paghahanap sa sinta ni Julio, at ang paghahadlang ni Mrs. Cruz/ “Ah-Tek”, na isang bugaw ng isang putahan, na, sa dulo ng kuwento, ay maipapakita ang abusadong kalagayan ni Ligaya sa ilalim ni Ah-Tek, at ang mala-heroic figure ni Julio sa pagtatangkang iligtas si Ligaya mula sa kaguluhang kinasasangkutan niya.

Sa pagbabasa ng nobelang ito ni Edgardo Reyes, isang maaring balakid sa mabilis at madulas na pag-uunawa sa kuwento, at sa kabilang banda, ay kalakasan na rin ng kuwento, ay ang paggamit ng wika. Kuhang-kuha ng may akda ang sensibilidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglalantad ng kanilang mga diyalogo. Naging mapangahas ang may akda sa pagsusulat sa mga linyang ito na, kung sa akademya, ay maituturing na mortal na kasalanan. Ang paggamit ng “me” kaysa “may”. “Kesa”, imbis na “kaysa”. At iba pa. Isa itong manipestasyon ng mabusising pagdedetalye, pagbubuo ng mga tauhan, at sa ganitong proseso, ay ang mabusising pagbubuo ng mundo ng kuwento. Hindi pineke, at swabe ang daloy.

Kung buo ang mundo, marapat na isipin ang kontekstwal na implikasyon nito. Isang malaki at maiging panimulan ng usaping ito ay ang pagsasakonteksto ng kuwento, ng mga tauhan, sa aspekto ng sosyo-ekonomikong lapit. Kita sa kuwento ang likas at hilaw, raw imagery ng mga araw-araw na karahasan na hinaharap ni Julio at kasamahan, upang sila’y patuloy na kumita. At mamuhay. Ang pamomroblema sa pagtatapos ng kontrata sa isang pinagtatrabahuan. Ang pagsasaproblema kung saan maaring matulog. At iba pa. Bilang isang mambabasa, kakaiba ang pakiramdam na nagbibigay ng “wonder” sensation ang mga ganitong sentimyento, lalo’t bilang isang Pilipino na kabilang sa lipunang ito. Na-“Alienate”, ika nga. Sa bawat pagbasa ng mga linya, ang literal na mga linya na naka-print sa loob ng libro, at ang buhay ni Julio, ako’y nabibigyan ng kakaibang damdamin ng pakikipagsimpatya sa mga piksyunal na tauhang ito. Ngunit, alam naman natin na ang piksyunal na mga karakter na ito, ay hindi nalalayo sa realidad ng buhay para sa mga manggagawang Pilipino. 

Isa sa mga nagustuhan kong parte sa nobela ay ang bahagi kung saan patapos na ang mismong kuwento. Ang mga pangyayari na, nahanap na ni Julio si Ligaya, at ang pag-asang ibinigay ni Julio upang iligtas si Ligaya mula kay Ah-Tek. Sa totoo lang, ang kalungkutang nakapaloob na emosyon at kabigatan nito, lalo pa’t sa pagtatapos ng nobela, ay isa sa mga nagustuhan kong aspekto. Hindi lamang ipinakita ang depiksyon ng trahedya bilang masakit, at mala-“fight to the last breath” na eksena ni Julio sa dulo (na kumon na sa mga action scenes sa mga kapanahunan ngayon), kundi ang imahe ng pagkakaroon ng naudlat na pag-asa, sa panahong mas inaasahan mo ito. Bukod pa rito, ay ang naipakita nang buhay ni Julio, na lahat halos ng hirap para lamang mamuhay araw-araw at mailigtas si Ligaya, na sa dulo, ay magkakaroon ng mala-Romeo and Juliet na katapusan. *cue sad dramatic song here*
photo courtesy to media3.giphy.com

Bilang isang personal (at relatibong) pagtingin na rin sa maaring kakitaan ng simbolismo sa loob ng kuwento, ito na marahil ay ang pangalang Mrs.Cruz/Ah-Tek at si Ligaya Paraiso mismo. Siyempre, hindi naman yata kasurpre-surpresa ang mapatawan ng simbolismong pagpapahiwatig kay Ligaya, lalo’t ang pangalang taglay ay dalawang salitang pamilyar ang karamihang Pilipino…o pamilyar nga ba? Para sa akin, si Ligaya’y maaring sumimbolo bilang ang tinatawag sa Pilipinas na “Inang Bayan”, na, kagaya ng mismong tauhan, ay inaabuso at isang puta na naghihirap, at hinihintay lang iligtas ng isang Julio. *At sa pagbabasa na rin na ang mga nang-aabuso kay Ligaya ay mga tauhang Intsik, hmm, may maiuugnay kaya tayo sa ganitong pagsusuri, lalo’t base sa mga kaganapan sa panahon ngayon (2015)? Nako, baka clairvoyant pala si Edgardo Reyes.* Sa tauhan naman ni Mrs. Cruz, isang ironya na patungang dahil “Cruz” ang apelyido niya, ay krus na agad ang maaring ipatong. Patong. Ipatong. Ilang beses ko nang nabaggit. Hindi kaya’t dahil kagaya ni Hesukristo, na nagbuhat ng krus at pagkamatay doon bilang kabayaran sa ating mga kasalanan, ay ito’y sumisimbolo sa mismong pagpapahirap? Ang pagpapahirap ni Ah-Tek kay Ligaya? Sa Inang Bayan? 

photo courtesy to giphy.net

Swabe kung basahin. Kung makatama sa dibdib, ito’y isang matalas na patalim. Hindi na nakakapagtaka kung bakit tinaguriang isang klasiko ang akdang ito ni Edgardo M. Reyes. Bukod sa pagkakabuo ng isang mundo na malalim at malawak ang pinapaksang tema, ay ang kapasidad nito na maglahad pa ng mas malalim na pananaw sa buhay ng mga kapwa nating Pilipino na kabilang sa mga naghihirap na uri, o kahit sino mismong nakakaranas ng karahasan at pang-aabuso. Isa na marahil na nagustuhan ko sa pagsasalahad ng kuwento ay ang pagtatanggal ng nosyon ng pagiging romanticised ng daloy ng kwento. Na, pag mahirap, todo kayod hanggang buto’t balat. Todo iyak sa sulok. Todo monologue na tila ba’y nasa kaniya ang spotlight sa isang dula. Hindi. Ito’y ipinakita sa paraang ang paghihirap ay isang balakid sa mga nais mong makamit. Sa nais mong mailigtas. Sa nais mong mapalaya. At ang *mga* paghihirap na ito’y hindi mapagbigay, hindi maawain. Hindi ito nakukuha sa kung ano-anong justification o pakikipag-usap. Higit sa lahat, ito’y nanunuot sa sistema, lalo’t kung hinayaang lumaki. Kung kaya’t aksyon ang kailangan, maging ang dulo pa nito’y sa kamatayan. Kagaya nga ng ipinakita ni Edgardo Reyes sa kaniyang akdang ito, kung nais mo talagang magkaroon ng Ligaya sa buhay, ay ipaglaban at hanapin ang Paraiso.
photo courtesy to gifrific.com

Para Kay B

1. INT. BOARDING HOUSE. HAPON.
Nagbabasa si Lawrence ng isang libro na pinagamatang “Para Kay B”. Nakaupo, at umiinom ng kape, sa tabi ng study desk katapat ng isang malaking bintana. Habang nagbabasa ng libro, paminsang napapatawa at napapatahimik si Lawrence. 

photo courtesy to mynihility.files.wordpress.com
Kilala si Ricky Lee sa larangan ng pelikula at mga teleplay sa larangan ng panitikang Pilipino. Nora Aunor, “Walang himala!”, “Bilanggo”, paglikha ng *iyong* Quiapo, you name it. Siguro, kung ika’y ang tipong tao na maraming oras upang subaybayan ang mga iba’t ibang teleserye, at mahilig humugot ukol sa usaping pag-ibig kagaya ng mga ipinapalabas sa Maala-ala Mo Kaya, chances are nakapanuod ka na ng isang episode na isiganawa sa produksyon ni Ricky Lee. Pero hindi rin naman dapat ma-underestimate ang kalakasan ni Ricky Lee pagdating sa pagsusulat ng mga nobela, at kung hugot at hugot ukol sa pag-ibig ang iyong hinahanap, look no more! Andito ang “Para Kay B, O kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin.”

Nahahati ang kabuuang kwento sa loob ng nobela sa anim na bahagi. Lima rito, ang naunang limang kabanata sa nobeal, ay ang iba’t ibang kwento ng pag-ibig ng mga iba’t ibang babae. Ang panghuling kabanata, ay ang pagpapakilala ng iisa pang manunulat, isang “writer within the story”, ang manunulat na inilikha ng manunulat sa loob ng kaniyang akda (mala-Inception lang ang dating). Maraming pagkakataon sa pagbabasa ng akda ang nagiging imbitasyon upang ika’y mapatawa nalang dahil sa “kalokohang” mga pangyayari, at madalas, exaggerated na paglalahad ng mga kwento ng tauhan (Take example nalang yung kwento ni Erica, aka Miss Pusong Bato, o yung pagdedetalye na isa raw na posibleng kadahilanan ng palaging pagkakainis ni Mrs. Ignacio kay Jordan ay ang hindi nito pagkakaroon ng orgasm mula sa kaniyang asawa.). Naging epektibo para sa akin ang ganitong pamamaraan ng paglahahad, hindi lamang dahil nagsasalita ang may akda sa gamit ang wika ng henerasyong aking kinabibilangan, kundi ang mismong daloy ng kwento na ika’y napapaisip nalang bigla, mula sa mga pagkakataong humahalakhak ka sa katatawa, at makatapos ng pagbabasa ng ilang parte ng isang kabanata, mapapasabi ka nalang ng: “Wow, that’s so fucked up.” PS: basing on my actual reaction dun sa incest love-story ni Sandra sa kaniyang kapatid.

photo courtesy to memecrunch.com


Kung may mapipili lang akong masasabi kong pinakapaborito kong kabanata sa loob ng nobela, isa ang maisasagot ko. Papangunahan ko ito sa pagsabi na ang pangatlong kabanata/kwento, ang kwento ni Erica. Bilang panimula, masasabi ko na sa unang bahagi ng aking pagbabasa ng kwento ito, ay para bang binase sa tipikal na love-story cliches na mayroong mga elemento ng “love at first sight”, ang pagiging uber-bitter na nosyon mula sa pagkakadescribe sa pangunahing tauhan bilang nagmula sa mala-fantasy world na Maldiaga, kung saan lahat raw ay hindi marunong magmahal/hindi alam ang salitang pag-ibig (hahahahaha), at kung paano siya tinangay ng alon sa isang dalampasigan upang magkaroon ng isang pagkakataon na patunayan na hindi totoo iyon…o napatunayan nga ba? Nainlove siya sa isang dating-fuckboy na nagngangalang Jake, at minahal siya ng todo ni Jake. Ayon nga sa cliche chick-flicks,”I’d be nothing if it wasn’t for you.”, ang maaring sabihin ni Jake. Nagpropose pa nga kay Erica eh. Ngunit ito rin ba ang masasabi ni Erica para kay Jake? Unless counted na ang mga linya na karaniwang maririnig sa mga soap dramas sa mga telenobela (na literal na ginagamit nga ni Erica kay Jake, dahil alam niya nga ang pagiging “sweet”, ngunit hindi naman niya maramdaman ang totoong pag-ibig, mula sa sarili.), hindi niya ito sinuklian kagaya ng ginawa ni Jake. Naiwanan si Jake, at sa muli nilang pagtatagpo, sa paglipas ng panahon kung saan si Erica’y naging sikat na TV personality, love consultant (na napaka-ironic para sa kaniyang disposisyon), at ang pagkakabaldado ni Jake, sa muli nilang pagtatagpo, all tables have been turned. Nagdusa si Erica sa kaniyang pagiwan kay Jake noon. Nakita niya kung paano nagbago ang isang, ayon nga sa wika ng mga college middle-upper class ngayon, isang douchebag/asshole, sa pagiging tapat sa pag-ibig, at kung paano niya iniwan ang ganitong pagkakataong suklian ang ginawang pagmamahal. Kung ika’y ang tipong mababaw ang luha, ang mga unang bahagi ng pagbasa ng kwentong ito na nagresulta sa iyong pagbasa ay mapapalitan ng mga luha, sa kung paano ipinakita ang pag-aalaga ni Erica kay Jake, na hindi na makagalaw o makapagsalita, at araw-araw na pinapaliguan, inaalagaan ni Erica.
photo courtesy to knowyourmeme.com

Bilang personal na pagpapahiwatig, maaring mabasa ang kwento ni Erica sa mas malalim na lente, lalo’t bilang isang social implication na ating ma-oobserbahan sa pang-araw araw na pamumuhay. Kung ihahambing, ang Maldiaga ay sumisimbolo sa marahas na realidad ng mundo natin ngayon. Ang pagmamadaling pumunta sa terminal ng jeep/FX para makahabol sa klase. Ang pakikipaglaban sa init at trapik sa Katipunan Ave. Ang pagtitipid ng baon para may pamasahe ka pa pauwi mula sa paaralan. Lahat ng ito’y nagbubunga ng kamanhidan sa diwa ng isang indibidwal, and the same numbness rin ang nag-uudlat upang ibase ang ating pamumuhay na para bang iskripted ang ating mga gawain, maski sa pag-iibigan. Ang pagkaka-alienate natin sa ating mga natural na emosyon at diwa bilang mga tao sa loob ng mapangahas na lipunang ito ay nagreresulta sa pagiging hipokrito, hindi lamang sa mababang antas na niloloko mo ang iba, kundi ang mismong panloloko sa sarili. Naging mapangako naman ang katapusan ng kwento ni Erica: hindi pangmatagalan ang ganitong state of numbness natin. Pero at what cost? Isang pagyanig sa ating buhay, kagaya ng isang Jake sa ating buhay? 


Isang magandang halimbawa ang akdang ito sa paglalaro ng mga karaniwang sensibilidad ng henerasyong aking kinabibilangan. Kung ihahambing ang tono, daloy ng naratibo, at ang mismong paggamit ng wika, masasabi ko (at base na rin sa personal na panlasa) na malapit ang akdang ito sa mga nasabing aspekto sa “Ligo Na U, Lapit Na Me” ni Eros Atalia. Kung papansinin ang pagkakagamit ng wika, na akin ring isinabuhay sa mismong pagsusulat ng blog na ito, ito’y dulot ng paglilihis mula sa nakakakulong na mundo ng konserbatibong/pormalistang pagtingin sa pagsusulat (Pasintabi sa mga nasa larangan ng akademiya, o mga taong hindi sumasang-ayon). Ayon nga sa isang lecture ni Ricky Lee, na ako mismo’y naroroon upang mapakinggan siya, ang mismong pamamaraan ang siyang naging rason ng kaniyang pagiging mabenta sa mga kabataan ngayon, lalo’t sa usapin ng pagsusulat ng isang teleplay, na dapat raw na mas natural at hindi nakukulong ang mga diyalogo sa konserbatibong pagsusulat. At sa kabilang dako, ito rin ang isang rason kung bakit ang mga kagaya ni Eros Atalia at Ricky Lee ay binibigyan ng hindi gaano pagsangayon na pagtingin mula sa larangan ng konserbatibong pagsusulat. Kinakailangan lang talaga, ayon sa dalawa (Eros at Ricky, na pareho kong nasubaybayan sa mga lecture-visits nila sa UP), ay alamin mo ang iyong audience, para saan/kanino ka ba nagsusulat? Para sa akademiya? Para sa masa? Para sa mga tambay? At higit sa lahat, ay hindi ka dapat matakot na magkaroon ng pagkakamali. Ayon nga sa lecture ni Ricky Lee, “Don’t be afraid to open a lot of doors. I’ve opened many doors, some lead to mistakes, but those [mistakes] made me who I am right now.”
photo courtesy to thethingswelike.org

Ligo Na U, Lapit Na Me




photo courtesy to wikimedia.org
Ayon sa mga natutunan ko sa isang klase sa ilalim ni Jun Cruz Reyes, ang manunulat raw na makakapagsulat ayon sa mga problema at wika ng kaniyang kinaloloobang panahon ang magiging tanyag na manunulat sa panahon niya. Walastik, pantastik, kung makatama ng sense of humor, kasing talas ng tinik! Ilan lang iyan sa masasabi ko sa pagbasa ng Ligo Na U, Lapit Na Me ni Eros Atalia, isang manunulat na kilala sa kaniyang mga dagli, nobela, pagtatrabaho sa editoryal noon, at ang mala-mister poging bigote. Kasabay ng paggalaw ng mundo niyang isinusulat sa sensibilidad ng kinabibilangan kong henerasyon, ay ang magaang wika na swak at “in” sa bokabularyo ng mga kabataan ngayon; isang malaking salik kung bakit nagiging patok ang mga isinusulat ni Eros. Bilang patunay, nagkaroon rin ng isang *indie* film adaptation ang nasabing nobela na malugod na tinanggap ng mga kritiko, mula sa lokal hanggang sa internasyonal na larangan.

Eros Atalia: Sa isang lektyur;
retrato kuha ni Lawrence Plata
Bilang pagsusuri sa teknikal na aspekto ng nobela, partikular sa paggamit ng wika, lumulutang ang mabigat na manipestasyon ng pagkakaroon ng code switching ng Filipino patungo sa Ingles. Karaniwan, lumulutang rin ang iba’t ibang mala-jargon na mga termino na nagbunga mula sa kulturang kabataan ngayong ika-21 na siglo. Maging ang titulo ng nobelang ito ay manipestasyon ng pagiging magaan at pagkaangkop ng wika sa kinabibilangang panahon, partikular, ang texting language, o madalas, jejemon. Naging epektibo ang wika sa pagdadala ng naratibo, maging ang mga eksena at tono ng mga ito, at iyon ay isang kalakasan ng akda sa paglalaro ng mga eksena at damdamin sa loob ng mga eksenang ito (hal.: ang pagsusuhestiyon ni Intoy kung anong buwan nga ba mas maiging magpakamatay si Jen, ngunit sa nakakatawa at magaan na paraan.).

Marahil, maalala ang kwento ng nobelang ito sa usapin ng pag-ibig. Sa pagiging sawi ni Intoy, na iniwanan ng walang rason, na iniwanan sa ere, mula sa loob ng isang relasyong laganap sa kapanahunan ngayon (aka fuck-buddies). Sa pagiging “liberated” ng dalawa, o sa partikular, ang pagiging liberated ng *big-time pogi* Karl Vladimir Lennon Villalobos, na lumaki sa isang pamilya na karaniwang mariringgan ng “Hallelujah hallelujah” sessions tuwing iniimbitahan ang pastor sa bahay. Sa hindi pagbasa ng buhok ni Jen tuwing naliligo sa motel matapos ang “sexy time” nila ni Intoy, dahil malalaman ng mga kamag-aaral kung ano ang maari nilang ginawa doon sa 2-hour break. Sa pagkakaroon ng “good time” ni Intoy sa mga “service providers” kagaya ni Joy sa bar, o nung puta na ayaw magpa-swallow matapos ang pagbibigay ng blowjob kay Intoy, dahil oo nga naman, “Boyfriend ba kita para gawin iyon?!”. O maari ring sa mga pag-uusap nina Intoy at Benson (na para bang isang mag-aaral sa UP na sabaw ang utak, o tuwing hellweeks) tungkol sa intergalactic space music, at kung paano tayo sasakupin ng mga aliens sa mga darating na araw.

Para sa akin, naging epektibo ang pagiging magaan at kwela ng pagdadala ng naratibo, upang maidala ang mas mabibigat na paksa na maaring pagmulan pa nga ng mga diskurso. Isang halimbawa, ay ang pagiging dinamiko ng mga relasyon sa panahon ngayon. Mayroong isang tauhan, na baguhan sa mga bagay na, basta, in short, virgin. Isang tauhan, na ang pagtingin sa kaniyang love interest bilang, ayun, love interest nga. Romantic, with strings attached. Sa kabilang dako, mayroon ring isang tauhan na ang pagtingin sa mga bagay ay nasa lebel ng pagiging superpisyal lamang. No strings attached. Foreplay, blowjob, o mismong homerun man iyan, sanay na. Di na kailangan ang pag-ibig, sexual gratification lang, sapat na. Nakakapukaw pansin rin ang pagiging taliwas sa mga karaniwang isteryotiping ibinabansag sa mga kasarian gamit sa mga nabanggit na mga katangian. Kapag lalake raw, pagiging macho at dagdag pogi points ang pagkakaroon ng fuckboy attitude. Kapag babae raw, dapat demure, madaling mahulog, at laging nailalagay ang katayuan sa lebel ng “umaasa” sa lakas ng lalaking kabiyak. Sa naratibong ito, malinaw at harapang ipinakita ang pagkakaroon ng gender role reversal sa mga iba’t ibang eksena. Inalok ni Intoy na siya dapat ang magbayad para sa date nila ni Jen, ngunit si Jen na ang nagbayad. Maging ang mga pag-eenjoy nila sa motel. Maging ang pagpapadeliver ng pagkain sa motel. 
photo courtesy to palabas.tumblr.com

Kung nagkataon mang mapanuod ang film adaptation ng nobelang ito, maipapakita sa mismong mga unang eksena palang ang sineset na tono ng pelikula: isang witty, katatawanan, at kakaibang pagtingin sa realidad ng mga relasyon sa kapanahunan ngayon. Maski ang pagbasag nga sa isteryotipo tungkol kay Jen, bilang isang sex addict/nymphomaniac na dating. “Hindi siya ni-rape ng kaniyang tito, o anak ng single parent. Hindi, isa lang siyang tao na curious sa kaniyang pagkababae.” Diretso. Isa ring mas nabigyang kulay ng paggamit ng midya ng film ay ang pagpapakita ng mga eksena na nagrarant si Intoy ukol sa kaniyang mga propesor, at ang mga pag-uusap at talakayan sa klase. Ang pagiging moralistiko at relihiyoso ni Ma’am Ethics, ang pagiging madaldal ni Ma’am Lit. Clit-ay este, Lit. Crit, at iba pa. Importanteng mga bahagi ito, hindi bilang basta pagpapaangat ng makwelang tono sa mga kabanata, kundi ang pagpipinta ng mga eksena na ang mga tauhan ay mga totoong karakter sa totoong buhay. Na si Intoy ay parang ako lang, isang mag-aaral, na hinaharap ang bawat hamon sa aking pisikal, emosyonal, sikolohikal, ispiritwal at maging ang aking pasensya. Lahat ng mga ito’y humuhulma ng isang naratibo na nagpapakita ng representasyon ng pamumuhay ng mga kagaya ni Intoy sa totoong mundo.

Noong sinimulan kong basahin ang nobelang ito, naibaba ko lang ang libro noong nasa ika-limang kabanata na ako, at iyon ay dahil kailangan kong umihi. Bilang personal na panlasa, naging malaking salik sa pagkahumalig ko sa pagbabasa nito ay ang paggamit ng wika. Hindi rin mailalayo ang salik na relate-able para sa akin ang pagksang iniikutan ng naratibo. Higit sa lahat, malaking salik rin sa aking pagkahumalig ang pagiging mala-infomaniac ng may akda, na bawat eksena’y may overflow of information na aking sinasalo nang may halong pagkatuwa. Kung ika’y nagbabasa ng iilang nobela mula sa Western literature, at nagkataong nakabasa ka ng mga likha ni John Green, maaring masabi na ang sinasabi kong tono ng pagkakaroon ng “information rants” ay magiging pamilyar. Sa totoo lang, ang boses ni Intoy bilang narrator sa loob ng kwento ay kinakikitaan ko nang boses ng may akda mismo, lalo’t personal ko nang nakausap at narinig mula sa isang lektyur ang may akda. Ang nobelang ito, o masking anong nobela nga naman, ay patunay na ang sensibilidad at kapanahunang kinabibilangan ng may akda ay nagiging sentral sa pagbubuo ng tono ng naratibo. Paminsan nga, nagiging malaking lunsaran pa ang sariling karanasan upang magkaroon ang mga ito ng manipestasyon sa loob ng mga isinusulat na kwento. Ang wika, humor, at pagiging witty ni Eros Atalia ay ang mga katangiang nagiging sentral sa pagkakabuo ng nobelang ito, at higit sa lahat, naging tulay upang lumikha ng isang kwentong, kung hindi man naging ganap na representasyon ng buhay, at least bilang isang kwentong sigurado akong marami sa aking mga kapwa kabataan ang makaka-relate. 


Maigi sigurong tapusin ko na ang komentaryo kong ito. Baka sugurin na ako ng mga aliens mamaya.
photo courtesy to funnystack.com

Mga Ibong Mandaragit

Kung nanahap mo ang blog na ito sa pagtatype mo sa Google search ng “mga ibong mandaragit buod” para diyan sa papel mo sa Filipino IV, pasensya ka na. Hindi buod ang mababasa mo sa mga susunod na talatang aking isinulat. At no, hindi rin kita matutulungan sa pagtatranslate ng mga sinasabi mong malalalim na salitang Filipino para diyan sa takdang aralin mong iyan. 

photo courtesy to goodreads.com
Kilala sa iba’t ibang reputasyon ang pinakakilalang nobela ni Ka Amado. Para sa iba, ito’y ang pinakamagandang nobela sa panitikang Pilipino. Sa iba, ito’y isang mahabang kwento ng iisang tono ng social commentary sa kalagayan ng Pilipinas, lalo na noong matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Patuloy pa, para sa iba, ito’y isang lunsaran ng diskurso ukol sa iba’t ibang pulitikal, teoretikal, o sa kung ano pang lapit sa usapin ng realidad ng lipunan. At siguro para sa iba na rin, ito’y isang libro na binubuo ng mahigit 400+ na pahina, na kailangang gawan ng reaksyong papel bilang isang takdang aralin sa klase, hayskul man o sa kolehiyo. Sa aking pagbasa ng nobelang ito, hindi ko maitatanggi na may mga salik na naging hadlang sa aking pagtapos ng nobelang ito: ang usapin ng oras (bilang isang mag-aaral na may 21-units ngayong semestre), at ang pagkakaroon ng mala-language barrier, bunga ng pagkakaiba ng aking kinalakihang henerasyon, at ang wikang aking kinabihasaan. Pero ang mga ito ay hindi naging malaking balakid upang hindi magkaroon ng apresiyasyon sa nobela ni Ka Amado, at isang rason para rito ay ang interes ko, kahit sa isang sensibilidad na dekada ang layo sa akin, sa paksang tinatalakay sa loob ng nobela. 

May ibang tinitignan ang akda bilang isang sequel ng kilalang nobela ni Jose Rizal, ang El Filibusterismo. Bagamat ang kapanahunan ng mundo sa loob ng akda ni Ka Amado ay nasa panahon makatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, malaking elemento ang ginampanan ng pagpapakita sa kwento, na ang yaman ni Simoun na yaong itinapon sa dagat ni Padre Florentino, ay totoong nasa mundong ito. Ang sinasabing yaman ay maglalaro ng malaking papel sa mundo ng nobela, partikular, sa buhay at paglalakbay ni Mando, ang pangunahing tauhan. 

Sa pagbabasa ng nobela, isa marahil na mararamdaman ng mambabasa ay ang mala-pagtawag sa mga diskurso na tono ng may akda, sa kaniyang akda. Madalas, ang ganitong pakiramdam ng mambabasa ay hindi na bago sa larangan ng panitikan, lalo’t ito’y nagsisilbing midyum, o ang sabi nga, “bunganga” ng may akda upang may maiparating na ideya. Maari ring manipestasyon ito ng pagkakaroon ng attachment sa isang tauhan sa loob ng akda, o simpleng dahil istilo ito ng manunulat. Bilang pagpapatunay, nais kong gamitin si Dr. Sabio, ang tauhang intelekwal at malaki ang ginagampanang papel sa pagkaka-“alam” ni Mando at ang kasama nitong si Magat sa editoryal, sa mga kalagayang lipunan sa Pilipinas (praktikal at teoretikal). Kung titignan ang katauhan ni Dr. Sabio, base sa mga diyalogo nito sa mga iba’t ibang tauhan, ay tila ba may boses na nanghihimok sa mga ideals na ipinapakita nito. Halimbawa, ang pag-uusap nina Dr. Sabio, Mando, at mga kasama, ukol sa pinagkakaiba ng sosyalismo at komunismo, ay kakakitaan ng bahid ng pagiging “attached” ng may akda sa pagsulong ng nais niyang iparating sa mambabasa. Higit sa lahat, ang ganitong pagtingin ay magiging makabuluhan lamang kung may alam ang mambabasa sa background ng may akda, bukod sa pagiging manunulat: isang taong naging guerilla at may naging kinalaman sa mga Huks noong panahon ng pananakop ng mga Hapones, isang labor leader, at isang taong malalim ang pagkakaunawa sa ideals ng usaping sosyalismo at komunismo. Ang lahat ng mga ito ay nakaaapekto ng malaki sa isang kinalalabasan na teksto, na akda: ang pagkahubog ng isang manunulat base sa realidad ng kaniyang buhay, na siya ring naipipinta mula sa tunay na mundo, hanggang sa mundo ng akda (hal. Ang mga unang kabanata ng nobela, na tumatalakay sa mga operasyon sa mga kabundukan, ay malaki *siguro* ang halaw sa mismong karanasan ni Ka Amado noong kabahagi ng mga iba’t ibang operasyon sa Sierra Madre.).
photo courtesy to imgsoup.com

Isa sa mga hamon ng pagsusulat ng isang nobela ay ang responsibilidad ng may akda sa pagtatahi ng iba’t ibang naratibo ng mga tauhang inilikha, na nahahati sa iba’t ibang kabanata, upang makabuo ng isang grand narrative (Pero hindi ko pa rin dinidiscount ang katotoohanan na ito’y ay tradisyunal na pamamaraan ng pagsusulat ng isang nobela. Siyempre, mayroon nang post-modern movements, at iba pa.). Masasabi naman nating tradisyonal na pamamaraan ng pagsusulat ng naratibo (bukod sa pagiging lantad na sa wika, at ang impluwensiya ng mga likha ni Jose Rizal) ang isinagawa sa nobelang ito ni Ka Amado, ngunit kahit sa ganitong pagkakasulat, ay hindi maitatanggi ang pagkakaroon ng mga notable, makukulay na plot “twists” na kinakikitaan ko ng pattern sa mga iba’t ibang kwentong likha sa panahon ngayon, mula sa mga telenobela hanggang sa mga komiks. Isa na sa nais kong gawing halimbawa ay ang kabanata kung saan nagkatagpo sina Dolly at Mando, ngunit hindi bilang magkagalit at o base usapin ng hidwaan sa loob ng sosyo-ekonomikong usapin (na malamang ay makikisabat nanaman si Dr. Sabio sa pagsabi ko nito, sa pagpapasimula ng isang diskurso), kundi bilang mala-knight in shining armor na iniligtas ang damsel in distress, sa isang nightclub sa Paris. Bilang isang personal na pagtangkilik sa tandem na ito, nakakatawang basahin ang naratibong inilatag ni Ka Amado sa pag-iibigan nitong dalawa (sex scenes included). Mula sa mga dinner dates hanggang sa mga pag-uusap nila sa hotel room, aba, paminsan, kinausap ko pa nga ang mismong libro habang binabasa: “Ampuu si Andoy yan tange! Leche kang Dolly ka!”. Siyempre, nagmukha akong wirdo noong ginawa ko iyan, pano ba naman, noong sa isang coffee shop ko kasi ginawa, at oo, nagtinginan ang mga tao. Sorry na. 
photo courtesy to blahblaheffit.wordpress.com

photo courtesy to pinterest.com
Isang pioneering move para sa isang manunulat ng nobela sa panahon ni Ka Amado ang magsulat na ipinapakilala ang sarili bilang tagasunod sa mga yapak ni Jose Rizal. At sa genre ng fanfiction. Gayunpaman, nabigyang hustisya ni Ka Amado ang ganitong stance niya sa pagiging matagumpay ng inilikhang nobela sa ilang mga punto. Una, ay ang pagiging socially relevant ng mismong kuwento, na mas nabigyang lasa sa tulong ng paglalagay ng mga elemento’t naratibo na halaw mismo sa konteksto ng kapanahunang kinapapalooban ng manunulat (Post-WWII, congress representations, union strikes, at iba pa.), kahit pa’t nagmumula ang premis ng naratibo sa isang naratibo na ilang dekada na ang nakaraan (mula sa panahon ni Ka Amado). Ikalawa, kaakibat ng pagiging socially relevant ng akda ay ang tono ng panghihimok sa mambabasa, na may “call”, ang tawag sa pagbubukas ng isipan at diwa sa kalagayan ng lipunang Pilipino sa kolonyalismo na naidadala ng ating mga mananakop, at patuloy na namumuhay sa kapanahunan ngayon. Naging matagumpay, para sa akin, at para sa proyektong nais iparating ni Ka Amado, ang pagtatapos ng akda sa eksena ng pakikibaka, at ang pagiging open-ended nito. Para sa akin, ang ibig sabihin nito’y *ang tipikal na sigaw ng mga aktibista* “Tuloy ang laban!”, na ang nilalabanang sakit sa loob ng lipuna’y patuloy na namumuhay hanggang sa ngayon, at iyo’y alam ni Ka Amado. Sa huli, at sa totoo lang, bilang impluwensya na rin ng aking pagbabasa ng ilang mga akdang mula sa Kanluranin, kinakitaan ko ng pagkakahawig ang katauhan ni Mando Plaridel sa Jean Valjean ni Victor Hugo sa kaniyang Les Miserables (Mula sa pagiging “kriminal”/“rebelde”, hanggang sa pagkuha ng yaman, upang maitaguyod ang sarili at gamitin ito sa pagpapabuti ng lipunan, at higit sa lahat, ang rebolusyon.). Ika nga sa musical na pagpapalabas ng Les Miserables, “One more dawn, one more day, one day more!” 
photo courtesy to imgfave-herokuapp-com.global.ssl.fastly.net


Trese

photo courtesy to forbiddenplanet.co.uk
Isang hapon noon, sa isang branch ng Fully Booked sa Katipunan, nang masulaypan ko ang isang libro na nakatawag ng aking atensyon. “Don’t judge a book by its cover” raw, pero alam naman nating isang statement lang yan na laging tumatangilik dun sa negatibong aspketo ng panghuhusga sa kung ano man. Bakit ba, as if naman hindi ko nabibigyang “papuri” yung mga may akda at gumawa ng disenyo/dibuho ng cover diba? Balik sa kwento ko. Nang mabasa ko ang katagang “Trese”, mas natawag pa ang aking pansin. Kaakibat ng monochromatic line-art na mala-anime na istilo ng pagguhit, ang aking interes sa akdang ito ay msa naipakita pa sa pagpunta sa cashier, at ang pagbili nito.

Bilang isang freelance graphic designer, na gumagalaw sa mundong mabilis lumipas ang mga bagay-bagay, mula sa deadlines, hanggang sa mga relasyon sa mga kapwa (#walangforever #hugot #bakitakogumagamitnghashtags), sinasabi sa iba’t ibang pag-aaral na mas umiikli na raw ang average attention span ng mga tao ngayon. Dala pa ng mga bagong teknolohiya na nagpapabilis ng mga gawain, at iba’t ibang social media platforms kagaya ng Twitter, at ang ever-famous nitong 140-character limit sa mga nais mong sabihin, sinasanay na ang mga tao na magkaroon ng kakaunting oras o maging mabilis ang mga gawain bunga ng mga limitasyon na siya rin namang dala ng modernisasyong ito (sa mga opisina, at iba pa.). Kagaya nga sa panitikan, umusbong at mas naging kilala ang pagsusulat ng mga dagli bilang pamamaraan ng paglalahad ng naratibo, na di maitatanggi ay hindi aabot sa limang minuto, karaniwan, ang pagbasa ng isang dagli, kumpara sa pagtatapos ng isang nobela, na kinakailangan ng maraming oras, isang bagay na mas mukhang pribiliheyo sa panahon ngayon.

Bilang pagtangkilik sa genre ng graphic novel, malamang, ang pinakaiba nito sa tradisyunal na nobela, ay ang presensya ng mga dibuho, kung saan mas nabibigyang espasyo ang manlilikha upang mabuo ang mundo at naratibo, gamit ng mas kakaunting salita, kaakibat ng mga larawan, na magsasabi na ng mga eksena para sa sarili nito. Siyempre pa, salik rin na ang karamihan raw sa mga tao, base sa pag-aaral, ay “visual learners”, o mas natututo base sa kung anong nakikita. Sa ganitong pamamaraan, hindi na “pinapahirapan” ang mambabasa para isipin kung ano bang istura ng eksena, ng tauhan, ng kaganapan sa loob ng naratibo, bagkus, ito’y nirerepresenta na ng mga dibuho kasama ang teksto.

Isang fresh at innovative na pagpapakilala sa pinapaksang proyekto ng Trese series na ito. Siyempre, hindi ko naman ibinabalewala ang mga mismong pre-colonial texts na tumatalakay sa mga mito’t folklore ng ating mga ninuno, pero ang pag-aangkop ng mga ganitong premis, sa konteksto ng maka-post modern na mundo, ay isang malaking selling point para sa mga mambabasa, o maski ang mga taong hindi naman puro ang interes sa pagbabasa, ngunit nais pa ring makapulot ng isang kwento o dalawa, sa mas madaling pamamaraan. 

Tinatalakay sa loob ng teksto ang mga engkwentro ni Alexandra Trese, isang babae na may angking abilidad na makipag-ugnayan at maging labanan ang mga iba’t ibang elemento na mula sa mga kwento ng ating lolo’t lola noong bata pa tayo (bilang panakot, lalo’t kung hindi ka pa natutulog ng maaga para sa pagpasok sa paaralan bukas. tsk.). Aswang. Manananggal. Kapre. Mga damong nabubuhay at nananakal ng mga tao (for real, walang biro), at iba pa. Kung susundan ang karaniwang takbo ng mga kwento, mala-Batman ang istilo ng naratibo (i-aassume ko na na nerdy ka rin kagaya ko, sa pagtangkilik sa Batman series. Kung hindi, nako, kawawa ka naman. Ew.): may mala-commissioner Gordon sa loob ng nobela, isang pulis na hinahire si Trese upang lutasin ang mga kasong labas sa karaniwan ang dahilan/paranormal. Ang susunod na mga eksena? Mala-Detetctive Conan naman. (Ewan ko nalang talaga kung hindi ka pa rin maka-relate dun.) Paghahanap ng mga clues, detalye, at mga salarin sa kung ano mang kaso ang mayroon. Higit sa lahat, ay pagdating sa huli, may usual na “punchline” ang isang kabanata, na paminsan, mala-moral lesson ang dating, at paminsan, para bang nanood ka ng isang 1960’s noir na pelikula (well, bukod sa pagiging black-and-white ang pagkakadisenyo ng mga akda, naiisip ko rin na ganiyan ang magiging itsura kung gagawin man itong pelikula. Pa-mysterious kasi eh.)

photo courtesy to fuckyeahdoncorleone.tumblr.com
Ay, nasabi ko ba na may isang mala-gang/mafia/yakuza war sa loob ng isang serye na nabasa ko (Last Seen After Midnight), ngunit imbis na aktwal na mga tao (o si Al Capone) ang mga tinutukoy, gang-war sa pagitan ng mga aswang at manananggal. *ASTIIIIIG* Ayun, yan lang naman ang mga tipikal na mga tinatalakay sa loob ng mga serye: yung mga nagpapakamatay sa dorms sa Katipunan Ave, si Manny Pacquiao na lumalaban sa mga demonyo, at iba pa. Nagiging maiging lunsaran ito hindi lamang ng pagtatalakay sa mga iba’t ibang usaping sosyo-kultural na paksa, kundi ang pagiging kaaliw-aliw na paglalahad ng mga *boring raw* alamat, kwento, mito, at ang kulturang Pinoy sa mundong maka-moderno. Higit sa lahat, ay ang pagiging malikhain ng mga may akda sa pagpapaliwanag ng mga kaganapang karaniwang inaassociate sa mga mito o kung ano-ano, sa kakaibang pamamaraan, kagaya na ang bangungot raw pala, ay isang nagmamahal na babae na niyayakap ang isang nagdurusang tao hanggang sa mamatay ito, at pag natikman ang luha ng babae, kasing tamis nga ng honey ang lasa, ngunit kasing pait naman ng kamatayan ang naidudulot. 

Teka, bago ka pa pumunta sa pinaka-malapit na bookstore para hanapin at bilihin ang isang serye ng Trese, nais ko lamang  magdagdag ng iilang punto ukol sa iba’t ibang pagtingin sa pagusbong ng ganitong genre. Unang-una, may ibang tao na kinukwestiyon ang pagiging maka-Filipino ng seryeng ito dahil sa paggamit ng wikang Ingles bilang pangunahing midyum ng paglalahad. Ikalawa, ay naka-sentro halos sa maka-Kanluraning sensibilidad ang mundong iniikutan ng mga tauhan, not to mention ang pananamit ni Trese (kudos kay KaJo para sa character design). Bilang personal na kasagutan sa mga ganitong problematisasyon, unang una, kinakikitaan ko ang paggamit ng Ingles sa mga seryeng ito bilang kalakasan. Kalakasan, sa punto na ito’y malakas ang kakayahang maging hit sa international scene. Isa pa, hindi ba’t isang mahalagang bahagi rin naman ng kulturang Pinoy ang ipinapakita ng proyektong ito? Hindi ba’t ang pagkaka-package naman nito sa isang midyum na mas maraming makakaappreciate ay isang maiging hakbang upang maipakilala ang ating kultura, lalo’t sa mga hindi pa pamilyar dito? Ikalawa, ang sinasabing modernong sensibilidad ay kalakasan rin para sa akin, sa rason na nagbibigay ito ng “familiarity” na pakiramdam sa mambabasa, at ang kasalukuyang mundo na kaniyang ginagalawan (assuming 2010s-present yan). At hindi rin biro ang pagtatagpo ng mga elementong ito sa konteksto ng kasalukuyang mundo. Siyempre, kasama na diyan ang mga pagsasaliksik, mismong pagguhit ng mga dibuho, at iba pa.

Talagang mai-rerekomenda ko ang Trese sa mga taong nais makabasa ng mga kwento, sa mas interaktibong pamamaraan (biswal), ang may hilig sa mga kwentong may kinalaman sa krimen, horror, suspense, ka-astigan, barilan, manananggal, Pacman, at kung ano ano pa. PS: Dapat may mala-Batmobile rin sa Trese, para mas astig.
photo courtesy to myfacewhen.net